(Lahok sa Saranggola Blog Awards 2023)
Lotto
Umaasa tayo kagaya ng mga daan-daang
táong dantaóng itinataya ang tira-tirang barya
kapalit ng gahiblang pag-asa. Layon din nating
makaalpas mula sa mga pasanin ng mundong
tila pinaiikot tayo sa gulong ng habambuhay
na pagtitiis. Sinusubok nating mahawakan
ang ipinagkait na kasiyahan, kaya nama’y kahit
mabutas ang bulsa sa paulit-ulit na pagtatangkang
mahawakan ang sinisintang ligaya, patuloy natin isusugal
sa mga alagang numero ang tsansang matamasa ang ginhawa.
Propesiya
Isang panandaliang takas ang pagtitimping
ikulong ang kaligtasan sa walang katiyakang
pagkakasunod-sunod ng mga salitang sang-ayon
sa likhang balarila, at sa pagitan ng kung ano
ang tunay sa hindi totoo’y nakasilid lamang
sa gawang batas ng retorika’t anyo.
Sinasagot natin ang kalibutan gamit ang mga awit
at tula, habang nililinlang ang mga sarili na mayroong
patutunguhan ang walang-hanggan. Matagal na rin
akong tumiwalag sa mga paniniwala’t mga paham
ng mga matatandang makatang nagtangkang
sagutin ang diktang iwiniwika ng mga panginoon,
’pagkat kung nasa mga buntonghiningang tinatangay
ng hangin ang tangi kong kasagutan at pag-asa,
siguro’y kahibangan lamang itong bulag kong paniniwala.
Baguntao
Tangan ko’y hindi busilak na pag-ibig sa katawang ilang
ulit na nagtaksil sa sarili. Itong ningning sa aking mukha
na inihaharap sa mga kaibiga’t kakilala’y araw-araw
nagnanais na mapundi, mapunit, at malusaw mula
sa sinisidlang balat. Ilang taon na ba ang lumipas noong huli
itong naging tapat sa mga nakausap at nakadaupang-palad?
Inuusig ko ngayon ang sarili’t pilit inaaral ang mundong hindi
na kawangis ng nasa aking haraya’t mga panaginip. Sinusubok
kong ibuka ang mga tikom na labi upang sabihin ang mga pasubaling
hindi masabi-sabi upang maangkin muli ang katawang limot na ang ibig.
Leave a Reply