Andre Ramirez Gutierrez

Manunulat


Nang Bumaba ang mga Diyos na Hindi Mo Pinaniniwalaan

nagbago ang kilos ng mundo. Naging makasalanan ang mga dating bukal ang pananampalataya. Biglang nagdasal ang mga dating nawalan na ng pag-asa. Akala ng nakararami, ang pagbaba ng mga bathala’y isa lamang propaganda, ‘pagkat walang Allah, walang kerubin, walang nakasakay sa kabayo na isang magiting na mandirigma, walang Zeus, walang Buddha, at mas lalong wala si Hesus sa kanila.

Nang bumaba ang mga diyos na hindi mo pinaniniwalaan, kinalimutan na ng lahat ang mga dati nilang nalalaman. Balewala ang siyensiya at matematika. Balewala ang mga limpak-limpak na librong iyong nabasa. Balewala ang lahat ng iginugol mong oras sa pakikipagbangayan sa social media. Balewala ang malusog mong katawang kay tagal mong iningatan. Balewala ang pag-ibig na kay tagal mong sinubok pag-aralan.

Nang bumaba ang mga diyos na hindi mo kailanman pinaniwalaan, bumagsak ang mga planetang payapang lumulutang sa kalawakan. Nag-aapoy na bumulusok padaigdig. Nasunog ang kalangitang napagod nang tingalain. At nang dumating ang mga planeta sa lupang iyong kinatatayuan, bato silang kaya mong nakawin—bulsahin, at ipagmayabang sa mga kakilalang sa iyo na’t hawak-hawak ang dating planetang ninanais nilang angkinin.

Nang bumaba ang mga diyos na hindi mo kailanman pinaniniwalaan, hindi sila ang iyong inaasahang makita—ang mga bathalang bumaba’y mga aninong naiwan mo sa daan nang hindi mo namamalayan; mga espirito ng usok na ibinuga mo kung saan-saan; mga dating ikaw na sa takot ay hindi mo na nadala sa kasalukuyan—at ngayon, nakapako ka sa iyong kinatatayuan, umaasang sana, ang mga diyos na ito’y mapagpatawad, ‘pagkat hindi naging sila ikaw, at ikaw ay hindi naging sila, dahil nagkulang ka sa paniniwala.


Kabilang ang tulang ito sa koleksiyong “Angelus – Mga Tula” na unang nailathala sa “Dx Machina: Literature in the Time of COVID-19 #4” ng Likhaan UP Institute of Creative Writing noong 24 Marso 2022.


Posted

by

TUNGKOL SA MAY-AKDA

Kasalukuyang mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman si Andre Ramirez Gutierrez. Naging fellow siya para sa tula sa 2nd Cavite Young Writers Workshop, 7th Angono National Writers Workshop, at Palihang LIRA 2018 at 2020. Nailathala na ang kaniyang mga akda sa Liwayway MagazineNovice MagazineKatitikan: Literary Journal of the Philippine South, Dx Machina 4 (Likhaan: UP ICW, 2021), Sahaya (Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman, 2021), Lakbay: Mga Tulang Lagalag (7 Eyes Productions, OPC, 2020), at Lóngos (CYWA, 2019). Nagwagi na rin ang kaniyang mga tula sa unang round ng Life UPdates (Marso 2022) ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing, at Sahaya: Timpalak Pampanitikan (STP) 2021 ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman. Miyembro siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), Cavite Young Writers Association (CYWA), at Kalasag UP Diliman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *